Sunday, September 13, 2009

Super 8 Grocery Warehouse Malolos

Ako ay namili sa sangay ng Super 8 Grocery sa Lungsod ng Malolos, noong maulan na hapon ng Setyembre 13, araw ng Linggo. Masasabi kong isa itong welcome change dahil nakasanayan ko nang mamili sa Puregold at sa South Supermarket.

Mas mura ang presyo ng maraming produkto sa bilihang ito kumpara sa dalawa pang nabanggit - isang pang-akit sa mga mamimili.

May isa lang akong puna at ito ang paksa ng tatalakayin kong hinaing.

Kapag ang mamimili ay nasa counter, inaasahan mo na pinapairal na ng mga bagger ang common sense. Nakagrupo ang mga produkto ayon sa kung ito ba ay nakakain o hindi, o dili kaya'y basa o hindi. Ang pagkakamali ko, hindi ko pinanood nang maigi ang paglalagay ng mga pinamili ko sa mga plastic bag.

Pagdating ko sa bahay ay iniisa-isa ko nang suriin ang mga plastic bag. Laking-gulat ko ng matuklasan ko na ang frozen items ay isinama pala sa mga bagay na hindi nakakain. Ang oxtripe ay itinabi sa katol at sabong panlaba. Mabuti na lang at hindi humawa ang amoy.

Pinagsama ng bagger ang basa at tuyo. Ang karton ng gatas, karton ng sabon, at mga posporo ay nabasa ng nakasupot na liempo. Paano ko maitatago nang maayos sa iskaparate ang nakakarton na gatas?!

Hindi ko na ipamamalit ang dalawang kahon ng posporo. Maaabala ako nang husto kung gagawin ko pa ito.

Nananawagan ako sa pamunuan ng Super 8 Grocery sa Lungsod ng Malolos.

Sana naman po ay bigyan ng karampatang pagsasanay ang kanilang mga tauhan, lalo na ang mga bagger. Simple lang naman ang dapat gawin, parang 'yung kanta sa "Batibot."

Pagsama-samahin ang pare-pareho.

Ang magkakatulad ay igrupo.

Isa pang mungkahi: Punasan nang maigi ang bahaging nilalapagan ng mga pinamili sa checkout counter.

Sana pagbalik ko rito ay maayos na ang kanilang sistema. Abangan pa ang aking mga darating na pitak ukol sa mga hinaing (Sana magkaroon ng mga papuri).

No comments:

Post a Comment