Saturday, October 24, 2009

Ang Telebisyon sa Pilipinas

Sa panahon natin ngayon, masyado nang nakakaumay ang mga palabas sa telebisyon. Pagkagaling mo sa trabaho, bubuksan mo ang de-kuryenteng kahon at ano ang iyong mapapanood?

Mga teleserye na nagdudulot ng insulto sa ating pag-iisip ...

Mga reality show na ang mga kalahok ay wala nang gaanong dating kung ihahambing sa dati ...

Mga talent show daw pero taliwas ang mga katagang naglalaro sa aking isip - glorified karnabal ...

Hay naku!!! Magbabasa na lang ako ng libro, dyaryo o magasin. Pwede rin na simulan ko na ang backlog ko sa DVDs.


May mapapala naman sa ganitong sitwasyon:

Makatitipid tayo sa konsumo sa kuryente kasi 'di na tayo manonood ...

Makapagpapahinga tayo nang mas matagal kaya mas lulusog tayo ...

Mas mapapagana natin ang ating mga imahinasyon. Kung anuman ang ibig kong sabihin, bahala ka nang magpagana.


LSS tuloy mula sa kantang ginamit sa 1979 film na Monty Python's Life of Brian:

Always Look on the Bright Side of Life


Hanggang sa muling pagsulat sa blog na ito ...


Saturday, October 3, 2009

Ang Olympic Games sa Pilipinas (?)

Noong ikalawa ng Oktubre ay hinirang ang lungsod na magiging punong-abala sa Summer Olympic Games para sa taong 2016. Ito ay walang iba kundi ang Rio de Janeiro sa bansang Brazil.

(Nagka-LSS tuloy ako sa kantang Aquarela do Brasil.)


Isang milestone na maituturing sapagkat ito ang unang pagkakataon na gaganapin ang pandaigdig na palaro sa isang lungsod sa Timog Amerika.

Kung tama ang pagkakaunawa ko sa aking aralin sa heograpiya, ikalawang pagkakataon na upang ang isang lungsod sa Amerika Latino ay pagdarausan ng naturang palaro. Ginanap na ito sa Mexico City noong 1968.

Napapaisip lang ako, kailan kaya gaganapin sa Pilipinas ang Olympic Games?

Sa nangyaring pananalasa ng bagyong si Ondoy (at pati na si Pepeng) namalas natin na hindi pa handa ang maraming lungsod, lalo sa Metro Manila, sa kaganapang ito. Malala ang pollution, na nagiging dahilan kaya barado ang drainage. Takaw-baha pa ang mga lugar. Hindi pa natutugunan ang pangunahing pangangailangan ng maraming mamamamayan.

Maisasakatuparan kaya ang mga nararapat na pagbabago sa panahong buhay pa ako?

Hindi ko pa nararating ang ibang lungsod sa labas ng Luzon. Malay natin, lubha pang maging mas maayos ang kalagayan sa mga ito. Kanais-nais na balita kung sakaling isa sa mga ito ang maging host city sa hinaharap.