Wednesday, September 16, 2009

Bagong Noodle Soup ng Chowking

Sa umagang malamig ang simoy ng hangin, mainit na sabaw ang higupin.

Sinusunod ko ang pahayag na iyan. Ang init ng sabaw ay parang daloy ng ilog sa unang araw ng tagsibol. Tinutunaw nito ang niyebeng nakakulapol sa pampang. Kasabay ng lagaslas ang pangingibabaw ng sinag ng Araw. Unti-unting nagdudulot ng liwanag upang maaninag ang bughaw ng kalangitan, ang mga luntiang dahon, at ang kayumangging lupa.

Teka muna ...

Pihong naligaw na ako ng landas. Babagtasin ko lang naman sana ang ilog pero inanod ako.

Ako ay dadako na sa tunay na paksa. Ito ay ang bagong produkto na handog ng Chowking – ang Emperor's Beef Noodles.

Ganyan ang almusal ko para sa araw na ito. Una nating pagtuuunan ng pansin ang sabaw. Bukod sa angkop sa mga pinagsasabi ko, malalasahan nang husto ang mga panrekado. May halong Chinese pechay, siling pula, at sibuyas na mura. Kakaibang bango ang dulot ng tropa ng mga sangkap – napapawi ang urban odor mula sa labas na naipon sa ilong ko.

Iminumungkahi ko na mainam na gawing sawasawan ng Oriental Barbeque Pao ang sabaw.

Ang beef ay malambot – tamang-tama ang pagkaluto. Hindi pinahirapan ng karne ang ngipin ko at inaasahan kong magiging maganda ang digestion.

Dikit-dikit nga lang 'yung ibang noodles, pero palagay ko ay dulot iyon ng pagmamadali upang maihain kaagad ang bagong putahe. Marahil ay hindi naman ganoon sa ibang Chowking outlet.

Sa pangkalahatang pagsusuri ay nasiyahan ako. Isang mas murang alternatibo sa high-end beef noodles na mabibili sa Class A restaurants.


Ang bill:

1 Emperor's Beef Noodles merienda size ... PhP 79.00
1 Oriental Barbeque Pao (double) ... PhP 45.00
1 Nai Cha 12 oz. ... PhP 39.00


Subukan niyo rin...

No comments:

Post a Comment