Tuwing Biyernes ay nakaugalian na namin ng aking nobya na kumain sa KFC outlet na malapit sa MCU Caloocan.
Gusto naming mag-dine in sa KFC dahil sa unlimited gravy nila.
Ang KFC outlet na ito ang palagi naming pinupuntahan dahil matapos kumain ay sasakay na kami ng jeep na dadaan sa may Rizal Avenue.
Sa ganitong paraan ay natuklasan naming may KFC outlet din pala na malapit sa Monumento Station ng LRT. Kagabi, ika-anim ng Nobyembre, sinubukan naming kumain sa naturang outlet. Ilalahad ko lang ang ilang detalye na aming napagtuunan ng pansin.
Pumasok kami mga bandang 8:50. Masikip ang unang palapag -- isa o dalawang mesa lang ang nandoon kaya umakyat kami. Dinatnan namin ang mga makalat na bakanteng mesa sa ikalawang palapag. Wala na ngang malinis na mesa, animo'y naglalakad pa sa ilalim ng buwan ang mga empleyado.
Hindi sila nagmu-multitask -- gawaing kapansin-pansin sa ibang outlet. Kumakaway ako sa kanila upang magpatulong sa paglilinis ng mesa pero walang pumapansin sa akin. May pambayad naman ako, ah!
Kapansin-pansin ang kawalan nila ng proactive na pagkilos. Bagamat maraming customer, umabot pa ng humigit-kumulang sampung minuto bago nila tanggalin ang harang sa reserved area na hindi naman okupado.
Mga bandang 9:00 ako bumaba upang umorder. Ayoko nang magpaligoy-ligoy pa. Napakabagal ng pagsisilbi sa mga customer sa counter. Napansin ko lang na parang hindi alam ang gagawin ang iba. Bagamat may tatlong linya ng mga customer, may pagkakataon na apat na empleyado ang nakatunganga.
Lumipas ang maraming minuto bago ako mapagsilbihan. May mental note na ako upang umorder ng Twister and Hot Shot meals. Heto ang transcript ng naganap na diyalogo:
Ako (A): Bibili ako ng isang Twister meal at isang Hot Shot meal. Large ang Pepsi.
Empleyado (E): Wala na pong Twister meal at Hot Shot meal. Wala na rin pong Pepsi.
A: Ganun ba? Sige ... Famous Bowl na lang. Dalawang large root beer ang drinks.
E: Wala na rin pong Famous Bowl.
(Naiirita na ako sa puntong ito. Lahat ng orderin ko wala.)
A: O siya. Dalawang One-piece Chicken Meal at Mashed Potato na lang.
E: Wala na rin pong Mashed Potato.
A: Sige na nga. Dalawang One-piece Chicken Meal at dalawang large root beer.
Masyado na akong nagugutom kaya tiniis ko na. Masama ang loob ko dahil hindi man lang nila nilagyan ng karatula na not available ang mga inorder ko.
Sobrang tagal ng paghihintay ko. Ito ang oras na nakalagay sa resibo: 21:21, alas nueve veinte y uno.
Pagdating ko sa taas, walang empleyado na umaasikaso sa gravy station. Aba'y hinahayaan lang na solohin ng ibang customer. Kung ganun lang din ang sistema, mabuti pa sigurong lagyan ng isang pitsel na gravy ang bawat mesa.
Nakakawalang-gana ang dinner na iyon. Hindi kaya naiisip ng mga empleyado na kung walang customer, wala silang trabaho.
Aba naman! Ayusin nila ang serbisyo.
Kailangan yata nilang mag-seminar sa KFC outlet na malapit sa MCU.
Lubhang mas malinis ang lugar.
Mabilis ang serbisyong idinudulot ng magalang at pawang nakangiting mga empleyado.
Hindi napapabayaan ang gravy station.
Sulit ang ibinabayad ko sa KFC outlet na malapit sa MCU.
Naisulat ko na ang saloobin ko. Bahala na kayo kung aling outlet ang tatangkilikin niyo.
Saturday, November 7, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment